LARAWAN NATING DALAWA

Isang araw, naisipan kong balikan ang mga larawan na nasa aking telepono habang hinihintay ko ang kaibigan kong nilamon na yata ng gripo sa loob ng banyo. Sari saring mga larawan ang noo’y nakita ko. May mga larawan ko, mga larawan na kuha mula sa mga lugar na pinupuntahan ko, mga larawan ng pamilya at mga kaibigan ko pati na rin mga larawan ng mga pagkain o mga bagay na binibili ko.

Hanggang sa hindi inaasahang pagkakataon napadpad ako sa mga larawan ko… kasama ka. Mga larawan nating dalawa… May mga nakangiti at nakatawa, may mga larawan na nakayakap sa isa’t isa, may mga nakaw na larawan mo habang may ginagawa ka. Mga larawan na kapag tiningnan mo ibabalik ka sa panahon kung kailan masaya pa tayong dalawa. Sa panahong may TAYO pa.

Napatigil ako, napaisip, pilit humahagilap ng mga bagay na maaari kong maramdaman. Sakit, pait at panghihinayang. Sakit na alam kong ang mga larawan natin sa telepono mo ay matagal mo ng binura, na baka iba na ang kasama mo ngayon sa mga larawan na dati ay tayong dalawa. Pait na hanggang dito ko na lang masisilayan ang maamo mong mukha at ang mga ngiti mo na dati ay para sa akin lamang. At ang panghihinayang na marahil kung hindi ka bumitaw ay masaya pa rin tayo sa piling ng isa’t isa. Hinanap ko ang lahat ng iyon pero wala akong mahanap. Ito na ba yung hinihintay ko?

Napatigil ako sa pag iisip at sinimulang burahin isa isa ang mga larawang natira ng ating pagsasama. Nasa huling larawan na sana ako nang bigla akong tapikin sa balikat ng kaibigan ko kaya binulsa ko muna ang telepono na hawak ko at humarap sa kanya…

“Oh bakit ka nakangiti?”, tanong niya sa akin.. “Masaya lang ako”

Tiningnan niya ako ng may labis na pagtataka. Siguro ay nagtataka siya kung may kakaiba bang nangyari sakin habang wala siya.

“Okay ka lang ba? Ay hindi pala, ito pala ang dapat na itanong ko.. Okay ka na ba?”

Tumango ako at ngumiti habang sinasabi sa kanyang, “Okay na pala ako”

Saglit na katahimikan ang namagitan saming dalawa. Parehas kaming nag iisip. Nakikiramdam sa bawat isa. Pagkaraa’y nagulat ako nang bigla niya akong yakapin. Isang yakap mula sa kaibigan na tila ba napakatagal na panahon naming hindi nagkita. Sobrang higpit. Nagtataka man ako sa ginawa niya pero yumakap na rin ako.

“Masaya ako. Masaya ako dahil bumalik ka na. Ikaw na ulit ‘yan.” Napangiti kami pareho at mas hinigpitan ko pa ang yakap ko sa kanya..

Siguro nga ito na yung hinihintay ko. Kaya pala wala na akong maramdamang pangungulila sa kanya, na kahit ako na mismo ang kumakatok sa bawat pintuang makakapagpabalik sakin sa nakaraan ay hindi na rin ako pagbubuksan dahil nahanap ko na ang pintuan pabalik sa sarili kong mundo na dati ay inabandona ko nung pinili kong hawakan ang mga kamay niya at sumama sa mundo niya. Ito na nga ang hinihintay ko.

Umalis ako sa pagkakayakap sa kanya at ngiti lamang ang aking ibinigay bilang pag sang ayon sa sinabi niya pagkatapos ay inaya ko na siyang umalis sa lugar na iyon.

Nauna siyang maglakad. Napatingin ako sa teleponong hawak ko at muli’y binuhay ko iyon, nandoon pa din ang huling larawan, huling larawan na magkahawak ang aming kamay; “Ito na ang huling alaala na mayroon tayo”. Nasabi ko sa aking sarili na tila ba nasa harap kita habang sinasabi ko ‘yon.

Napangiti na naman ako. Isang ngiting walang halong pagsisinungaling at pag aalinlangan. Isang totoong ngiti.

“Salamat sa mga alaala. Salamat dahil sa wakas ako’y malaya na”

Tiningnan ko ulit ang natitirang larawan nating dalawa. Sa huling pagkakataon ay hinanap ko ulit ang pamilyar na pakiramdam sa aking puso. Nagbabakasakaling baka may natitira pa ngunit wala na pala talaga. At doon ko napatunayan na gaya ng ating mga larawan na aking binura.

Sa wakas, pati ikaw ay nabura na.™

© Bea Shirleen Nuguid

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s